Manila, Philippines – Ginagawa nang aktibo ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ang dati ng Language Skills Institutes ng ahensya.
Ang layuning ito ayon kay TESDA Director General Guiling Mamondiong ay upang lalo pang gawing ‘competitive’ ang mga estudyante at job-ready workers bukod pa sa kanilang kwalipikasyon na hinahanap ng mga industriya o employers sa Pilipinas man o sa ibang bansa.
Kaya naman ipinag-utos ni Mamondiong sa lahat ng regional directors ang malawakang pagtanggap sa mga language teachers at trainers.
Ayon kay Mamodiong , partikular na kailangan ng TESDA ng mga magtuturo ng mga lenggwahe na Korean, English, Mandarin Chinese, German, Mandarin Taiwanese, Italian, Spanish, Japanese at Bahasa Indonesia.
Sila ay inaatasan ng TESDA Chief na magbigay ng language at culture programs sa kanilang mga lugar base na rin sa mga bansang madalas na destinasyon ng mga Overseas Filipino Workers.
Sa kabuuan, mayroong tatlumput-pitong National at Regional Language Skills Institutes ang TESDA sa buong bansa.