Pumalo na sa 33,509 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas matapos makapagtala kahapon ang Department of Health (DOH) ng halos 4,000 na bagong kaso ng sakit.
Ayon sa DOH, nakapagtala ang bansa ng 3,996 na kaso, kaya naman sumampa na sa kabuuang 3,772,468 ang COVID-19 sa bansa.
Ang naturang bilang ng mga aktibong kaso ay ang pinakamataas mula noong Abril 5.
Umabot naman na sa 3,678,240 ang mga gumaling matapos makapagtala ng 3,121 na mga bagong naka-rekober.
Habang, isa naman ang nadagdag sa mga nasawi sa sakit, kaya naman pumalo na ito sa kabuuang 60,719.
Samantala, nasa 16.2% ang positivity rate mula Hulyo 24 hanggang 29, mas mataas pa rin sa 5% benchmark ng World Health Organization (WHO).
Kahapon, inanunsyo ng DOH na mananatili sa alert level 1 ang Metro Manila hanggang August 15, habang ibinaba rin ang alert status ng 10 lungsod.