Cauayan City, Isabela- Nananatili nalang sa 4 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya kasabay pa rin ang ipinapairal na pagsunod sa health protocols sa publiko.
Ayon kay Mayor Eufemia Dacayo, hindi ito dapat ikatuwa at maging dahilan para hindi sumunod ang mag residente sa ipinapatupad na polisiya para sa pag-iwas sa COVID-19.
Aniya, bagama’t bumababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bayan ay kinakailangan pa rin ang palagiang pagsusuot ng face mask at face shield, paghugas ng mga kamay at pag-iwas sa malapitang distansiya sa bawat isa at mga matataong lugar.
Batay sa datos na inilabas ng LGU Solano, 3 COVID-19 cases na lamang ang natitira sa barangay Quirino habang isa nalang sa barangay Poblacion North.
Sa kabuuan, may 270 na COVID-19 cases ang Solano, 4 na active cases, 258 recovered cases at 8 ang namatay simula ng COVID-19 pandemic.
Muli namang umaapela ang alkalde sa mga mamamayan na panatilihin at ugaliing sundin ang mga health protocol upang tuluyan nang maiwasan ang local transmission ng COVID-19.