Cauayan City, Isabela- Muling tumaas ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Cauayan.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng City Health Office, bahagyang tumaas sa 210 ang bilang ng may COVID sa Lungsod matapos madagdagan ng anim (6) na panibagong kaso.
Mayroon din naitala ang Lungsod na dalawang (2) panibagong gumaling sa nasabing sakit habang walang naidagdag sa bilang ng mga namatay sa COVID-19.
Mula sa bilang ng total active cases sa Lungsod, nangunguna ang barangay San Fermin sa may pinakamaraming aktibong kaso na may 30, sumunod ang brgy. District 1 na may 27 at pangatlo ang brgy. Cabaruan na may 26.
Muling nagpaalala at hinihikayat ng pamahalaang panlungsod ng Cauayan ang publiko na sumunod sa mga panuntunan habang nananatiling nasa ilalim ng General Community Quarantine Bubble ang Siyudad na magtatapos sa August 31, 2021.