Aktibong kaso ng COVID-19 sa City of Ilagan, Nasa 17 nalang

Cauayan City, Isabela- Nananatili nalang sa 17 ang active cases ng COVID-19 sa City of Ilagan batay sa pinakahuling datos ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay City Mayor Josemarie Diaz, ilang araw na rin ang tuloy-tuloy na walang naitalang panibagong kaso ng mga tinamaan ng virus sa lungsod.

Sa pinakahuling datos, nasa 1.79% ang Average Daily Attack Rate habang ang 2-week Growth Rate ay nasa -33.89%.


Ibig sabihin nananatili pa rin sa “low-risk” ang kaso ng COVID-19 sa siyudad at dahil na rin sa patuloy na nababantayan ang sitwasyon laban sa COVID-19.

Binigyang diin ni Mayor Diaz na “manageable” ang sitwasyon sa lungsod at kumpiyansa rin umano itong epektibong mababantayan.

Ayon pa kay Diaz, hindi sana ito maging basehan para magpakampante kundi mas maging daan ito upang ipagpatuloy ang pagiging mapagmatyag at maingat sa kabila ng nakapasok na ang kinatatakutang Delta variant sa bansa.

Napatunayan aniya na ang Delta variant ay mas madaling makahawa kumpara sa ibang variant ng COVID-19, halimbawa nalang ang naging sitwasyon sa bansang Indonesia kung saan maraming naitalang namamatay araw-araw.

Patuloy naman ang paghikayat ng alkalde sa publiko na sundin pa rin ang umiiral na pagpapatupad sa minimum health protocol.

Facebook Comments