Cauayan City, Isabela-Umaabot na sa mahigit 100 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Ilagan batay sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) region 2.
Ayon kay Information Officer Paul Bacungan, wala dapat ipangamba ang publiko sa bilang ng mga tinamaan ng virus dahil agad naman itong na-traced makaraang maisailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang lungsod.
Maliban dito, nananatili pa rin ang pagsasailalim sa calibrated lockdown sa 10 barangay na kinabibilangan ng Bliss Village, Malalam, Baculud, Naguilian Norte, Nagulian Sur, Sta. Barbara, Centro Poblacion, Calamagui 1st, Calamagui 2nd at Baligatan.
Dahil sa pag-akyat ng bilang ng mga nagpopositibo sa virus sa lungsod, mapapadali na ang paglabas ng mga resulta ng swab test sakaling malagyan na ng mga kagamitan mula sa Department of Health ang itinayong testing center sa lungsod.
Sinabi pa ni Bacungan na nagkaroon na rin ng realignment sa budget ng ilang departamento para sa tuloy-tuloy na paghahatid ng tulong sa mga residenteng maaapektuhan ng pandemya lalo pa’t nararanasan na rin ngayon ang pag-uulan na isa sa sentro ng malawakang pagbaha ang ilang bahagi ng lungsod.
Panawagan naman ng opisyal na ugaliin pa rin ng publiko ang pagsunod sa ipinapatupad na health protocol para makaiwas sab anta ng COVID-19.