Bumaba sa 2,524 kahapon ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Philippine National Police (PNP) mula sa 2,596 noong kamakalawa.
Ito ay makaraang makapagtala ang PNP Health Service ng 238 recoveries at 166 na bagong kaso.
Sa kasalukuyan ay nasa 16,770 na ang tauhan ng PNP na tinamaan ng COVID-19 kung saan 14,206 ang nakarekober, at 40 ang nasawi.
Samantala, batay naman sa report ni PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na nasa 4,546 na ang kanilang mga tauhan na nabakunahan.
1,267 sa mga ito ang nakakumpleto na ng dalawang dose ng bakuna.
Sa huling survey naman ng PNP, 81.69% ng kanilang mga tauhan ang payag na magpabakuna habang 25.08% ang papayag kung makakapili sila ng brand ng bakuna.