Aktibong Kaso ng COVID-19 sa Isabela, Tumaas

Cauayan City, Isabela- Nadagdagan pa ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Lalawigan ng Isabela.

Sa tala ng Department of Health (DOH) Region 2, muling nakapagtala ng tatlumpu’t walong (38) panibagong kaso ng COVID-19 ang probinsya ng Isabela matapos magpositibo sa virus ang mga isinailalim sa swab test.

Mula sa 38 na naitalang new confirmed cases sa probinsya, pinakamaraming naitala sa Lungsod ng Ilagan na mayroong 31, sumunod ang bayan ng Tumauini na may tatlo (3), dalawa (2) sa Lungsod ng Cauayan at tig isa (1) sa bayan ng Naguilian at Roxas.


Dahil dito, umakyat na sa 168 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Isabela.

Kaugnay nito, naglabas din ang DOH 2 na listahan ng mga lugar na nakapagtala ng local transmission ng COVID-19 sa Isabela na kinabibilangan ng Alicia, Cabatuan, Gamu at ang mga Siyudad ng Cauayan, Ilagan at Santiago.

Ayon sa DOH, maituturing lamang na mayroong local transmission sa isang lugar kung nagkaroon ito ng positibong kaso ng COVID-19 ngunit walang naging kasaysayan ng paglalakbay sa mga lugar na infected ng virus.

Facebook Comments