Aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila, bumababa na

Patuloy na bumababa ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila.

Sa inilabas na datos ng Manila Public Information Office (Manila PIO), nasa 2,532 na ang active cases ng virus sa lungsod kahit pa nakapagtala sila ng 274 na bagong kaso.

Apat ang nadagdag sa bilang ng nasawi kaya’t umakyat na sa 1,111 ang kabuuang bilang nito.


405 naman ang nadagdag sa bilang ng mga nakakarekober kung saan 54,672 na ang total nito habang pumalo sa 58,315 ang naitalang kumpirmadong kaso.

Ang Sampaloc District ang nangunguna sa mga lugar sa Maynila na may naitalang mataas na kaso na nasa 572; sinundan ng Tondo District 1 na may 375; Tondo District 2 – 285 at Malate na may 205 na kaso.

Sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang COVID-19 second dose vaccination para sa mga indibidwal na kabilang sa A1-A3 groups na una nang nabakunahan gamit ang Sinovac vaccine noong unang linggo ng buwan ng Abril.

Facebook Comments