Muling nagpaalala ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa mga residente nito na huwag maging kampante at huwag balewalain ang sakit na COVID-19.
Ito’y matapos makapagtala ang lungsod ng karagdagang 73 bagong kaso kaya’t pumapalo na sa 541 ang aktibong kaso ng COVID-19.
Base pa sa inilabas na datos ng Pasay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, nasa 2,246 na ang kumpirmadong kaso kung saan nababahala ang lokal na pamahalaan dahil sa kabila ng mga mahigpit na pagpapatupad ng inilatag na health protocols, patuloy pa rin ang paglobo ng kaso ng COVID-19.
Umaabot naman sa 82 ang namamatay sa sakit at nasa 1,623 na mga residente ng Pasay ang nakarekober na pero patuloy pa rin mino-monitor ng City Health Office.
Iginiit din ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang kahalagahan ng pagsusuot ng face mask kung saan ang mahuhuling hindi nakasuot o hindi tama ang pagsuot ay maaaring pagbayarin ng multa ng ₱1,000 hanggang ₱5,000.
Dagdag na paalala pa ng Pasay Local Government Unit (LGU) na obligado na ang pagsusuot ng face shield sa pagpunta sa Pasay Public Market gayundin sa pagsakay mga pampublikong sasakyan na pinayagan sa gitna ng pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).