Aktibong kaso ng COVID-19 sa Tumauini, Pumalo na sa 68

Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa 68 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Tumauini, Isabela.

Ito ang kinumpirma ni Mayor Arnold Bautista sa kanyang facebook live post ngayong araw.

Ayon kay Mayor Bautista, isang nakikitang dahilan ang tila ‘pasaway’ ng ilan nitong mga kababayan na hindi sumusunod sa mahigpit pagpapatupad ng health protocol.


Kaugnay nito, inilagay naman sa ‘total lockdown’ ang Barangay Paragu makaraang makapagtala ng 20 indibidwal na nagpositibo sa COVID-19 at tanging pakiusap ng alkalde na iwasan muna ng mga residente na lumabas ng bahay kung hindi naman importante ang gagawin maliban nalang sa pagbili ng basic necessities.

Kabilang naman sa mga barangay na nakapagtala ng kumpirmadong kaso ang District 1 na may tatlong indbidwal; District 2 na may 6 indibidwal, District 3 na may apat (4) katao at Distric4 na may naitalang isa (1).

Nakapagtala rin ng tig-isang kaso ang mga barangay ng San Mateo, San Pedro, Sto. Niño, Moldero, at Arcon habang isang (1) pamilya naman sa Lingaling na kinabibilangan ng walong (8) miyembro gayundin ang Santa Visitacion, Bayabo East ang nagtala ng tig-isang kaso ng tinamaan ng virus.

Ayon pa kay Bautista, mula sa bilang na 68 ay walo (8) ang mga LGU employee na nagpositibo habang dalawa (2) ang empleyado naman ng DOLE na nasa kanilang lugar.

Isa rin sa nakikitang dahilan ni Bautista ang nangyaring pagbibigay ng ‘acceptance’ ng isang kapitan ng barangay sa residenteng umuwi sa kanilang lugar at hindi pagsasailalim sa quarantine kung kaya’t nagkahawa-hawa na ang mga ito sa sakit dahilan ng paglobo ng kaso ng virus.

Tiniyak naman ng opisyal na nasa maayos na sitwasyon ang mga tinamaan ng sakit habang nananatili sa mga inilaang pasilidad ng lokal na pamahalaan at patuloy rin ang pagsasagawa ng contact tracing sa iba pang posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.

Sa pag-akyat ng mataas na kaso ng COVID-19 sa bayan, hinihimok ni Bautista ang lahat ng residente na sumunod sa health protocol gaya ng tamang pagsusuot ng face shield, face mask at ang pagsunod sa social distancing.

Facebook Comments