Posibleng umabot sa 430,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa sa katapusan ng Abril kung hindi nagdeklara ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang gobyerno.
Ayon kay Health Usec. Ma. Rosario Vergeire, sa National Capital Region (NCR) maaaring umabot ng hanggang 350,000 cases kung hindi nagpatupad ng ECQ.
Ang mga lugar na ito ayon sa Department of Health (DOH) ay nasa high hanggang critical risk na.
Binigyang diin ni Vergeire na ang ECQ na ipinatutupad ngayon ay mahalaga para makahinga ang health system sa NCR at mga karatig na lalawigan.
Sa NCR aniya ay nasa 63% na ang healthcare utilization rate habang 58% naman sa Calabarzon.
Nilinaw naman ni Vergeire na hindi agad makikita ang epekto ng ipinatupad na ECQ dahil ang virus ay may 14 na araw na incubation period.