Inihayag ng OCTA Research Group na posibleng mas mataas pa ng 1.8 na beses ang aktuwal na bilang ng kaso COVID-19 sa National Capital Region (NCR) kumpara sa report ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Octa Research fellow Guido David, ito ay base sa random antigen testing na isinagawa ng Department of Transportation (DOTr) sa 343 na pasahero noong Enero 26 at 27 kung saan 0.6 percent ang lumabas na positivity rate.
Aniya, ang aktuwal na bilang ng mga kaso ay mas mataas sa opisyal na numerong inilalabas ng DOH dahil hindi pa kasama dito ang resulta ng antigen tests.
Dagdag pa ni David na mas mababa ang pagtatantsang ito kumpara sa kanyang ebalwasyon na posibleng 10 beses pa ang taas nito sa tunay na bilang.
Samantala, sinabi naman ni David na tapos na ang COVID-19 surge sa karamihan sa mga lugar sa bansa dahil naabot na nito ang rurok o peak ng kaso.