
Pumalag ang Malacañang sa umano’y pamumulitika ng International Criminal Court (ICC) lawyer na si Atty. Nicholas Kauffman matapos nitong akusahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pagtataksil kaugnay sa pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi si Pangulong Marcos ang dapat tawaging taksil kundi ang mga sangkot sa umano’y krimeng may kaugnayan sa madugong war on drugs.
Makalipas aniya ang isang taon mula nang makulong ang dating Pangulo sa ICC, nagkaroon na ng pagkakataon ang mga pamilya ng biktima ng extrajudicial killings (EJK) na makakita ng hustisya.
Dagdag pa ni Castro, tila lumilihis na sa kanyang tungkulin si Kauffman dahil sa halip na tutukan ang depensa ng kanyang kliyente, mas nakatuon umano ito sa pulitika at posibleng naghahanda para sa Halalan 2028.










