
Matagumpay na naaresto ang isang 23-anyos na lalaking akyat-bahay matapos ang ikinasang hot pursuit operations ng Quezon City Police District (QCPD) – Masambong Police Station 2 sa bahay nito sa Barangay Pag-asa, Quezon City.
Base sa ulat ng pulisya, ini-report ng isang sales director ang panloloob sa kaniyang bahay sa No. 5 Cavite Street, Barangay Paltok, Quezon City.
Kung saan nilimas nito ang ilang mahahalagang gamit ng biktima gaya ng isang full suspension mountain bike na nagkakahalaga ng P100,000, mga alahas na may kabuuhang halaga ng P53,000, at humigit-kumulang 4,000 na cash.
Agad na humingi ng saklolo ang biktima sa pulisya kung saan positibo nitong kinilala ang suspek na si alyas ‘Nel Mar’ matapos na ipakita ng mga awtoridad ang kanilang rouge gallery at base na rin sa nakita nito sa kanilang CCTV footage.
Narekober sa bahay ng suspek ang ninakaw nitong mountain bike.
Mahaharap ang suspek sa kasong Robbery, Direct Assault, at Resistance and Disobedience to a Person in Authority.
Samantala, lumabas sa records ng pulisya na isa ang suspek sa mga sangkot sa serye ng pagnanakaw sa Team Graphitee noong April 2025 at August 23, 2025 habang naaresto naman siya noong October 2025 dahil sa tresspassing.










