Pumanaw kamakailan ang anak ng banana cake vendor na humingi ng tulong sa social media para sa operasyon ng anak na may liver disease.
Matapos mag-viral ang litrato nito, bumuhos ang donasyon mula sa mga netizen upang matulungan ang anak nito sa pagpapagamot.
Ang nasa larawan na bata ay si Aquiro Detablan, isang taong gulang na may Biliary Atresia ay namatay ilang linggo matapos ang operasyon sa India.
Ano nga ba ang liver disease na ikinamatay ni Aquiro at bakit madalas tamaan ang mga sanggol ng ganitong uri ng sakit?
Ang Biliary Atresia ay isang liver disease ng mga sanggol na madalas nakukuha ilang linggo matapos ipanganak.
Ang disorder na ito ay nakakapaekto sa mga tubo ng atay na tinatawag na bile ducts. Ang bile ay likido ng atay na tumutulong sa pagtunaw ng mga pagkain at magsala ng dumi sa katawan.
Kapag ang isang sanggol ay may biliary atresia, hinaharangan nito ang kaniyang bile ducts na nakakasira sa atay at pagkasunod ng iba pang body organ. Kung hindi maoperahan at maagapan agad, aabot lamang sa isa hanggang dalawang taon ang kaniyang buhay.
Ang biliary atresia ay sanhi ng viral o bacterial infections, mahinang immune system, maraming toxins o gene mutation. Hindi rin ito namamana mula sa magulang ng sanggol.
Ayon sa St. Lukes Medical Center, isa sa bawat 14,000 na ipinapanganak ang nagkakaroon ng biliary atresia ang naitatala sa buong mundo.
Sa Pilipinas, tinatalang mayroong dalawang porsyento na live birth rate na may 100 na kaso ng liver disease kada taon.
Nakipag-ugnayan ang Department of Health (DOH) sa Philippines Charity Sweepstakes Office (PCSO) upang bigyang tulong ang mga pasyenteng may biliary atresia.
Sa kasunduan ng DOH at PCSO, magbibigay ng P1.5 million ang PCSO sa bawat benepisyaryong kailangang sumailalim sa operasyon.
May mga grupo rin sa bansa tulad ng LITRO Babies Phils Inc- LIver TRansplant Operation na sumusuporta sa mga sanggol na may biliary atresia.