Monday, April 6, 2026

ALAMINOS CITY, UMANI NG PARANGAL SA MGA PROYEKTONG PANGKALIKASAN SA HUNDRED ISLANDS

Kinilala ang lokal na pamahalaan ng Alaminos City matapos nitong tanggapin ang Top Eco-Recreational Waterbody Award (2023–2025) at ang Recreational Aqua Management Merit of Excellence ngayong Lunes, Abril 6, 2026.

Iginawad ang mga parangal ng Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB) sa ginanap na Water Summit 2026 noong Marso 24, kung saan tampok ang pamamahala ng lungsod sa Hundred Islands National Park.

Kaugnay nito, iniuugnay ng LGU ang pagkilalang natanggap sa mga nauna nitong programang pangkalikasan sa Hundred Islands kabilang ang pagpapatupad ng mahigpit na waste management system at rehabilitasyon ng mga isla.

Bahagi rin ng mga inisyatibo ang pagbabawal sa single-use plastics at pangangalaga sa yamang-dagat bilang isa sa pangunahing destinasyon sa Pangasinan.

Ayon sa pamahalaang lungsod, kasama sa kinilala ang komunidad at mga stakeholder dahil sa pagpapanatili ng Hundred Islands bilang isang modelo ng sustainable tourism sa lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments