Alcohol tax hike, pupuno sa kulang na pondo sa UHC

Manila, Philippines – Aabot sa 32.3 billion pesos ang dagdag koleksyon na makukuha ngayong 2019 sakaling makalusot ang panukalang itaas ang buwis sa mga inuming nakalalasing.

Ito ang sinabi ni Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua sa pagdinig kaugnay sa panukalang sin tax increase na isinagawa ng committee on ways and means na pinamumunuan ni Senator Sonny Angara.

Sabi ni Chua, sa loob ng limang taon hanggang 2023 ay tinatayang P236 billion ang makokolekta sa alcohol tax hike.


Ayon kay Chua, ang nabanggit na dagdag-buwis sa alcohol products ay ang kukumpleto sa pondong kailangan para sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC).

Ang panukala sa senado ay inihain ni Senator Manny Pacquiao sa layuning mabawasan din ang mga umiinom ng alak bukod sa magkaroon ng dagdag koleksyon ang pamahalaan.

Tinukoy pa ni Pacquiao ang pag-aaral ng World Health Organization na isa sa kada 20 kaso ng pagkamatay ay may kaugnayan sa alcohol drinking.

Sa pagdinig ay sinabi naman ni Philhealth Independent Director Dr. Anthony Leachon na mababa ang buwis na ipinapataw ng pilipinas sa alcohol products kumpara sa ibang bansang kasapi ng ASEAN.

Facebook Comments