Alegasyon na namudmod ng P92.3 billion ang Kamara mula sa budget, pinasinungalingan ng mayorya

Manila, Philippines – Tinawag na “fake news” ni House Majority Leader Fredenil Castro ang alegasyon ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte na aabot sa P92.3 Billion mula sa 2019 national budget ang ipinamudmod ng house leadership sa mga pinapaburang mga mambabatas.

Ayon kay Castro, walang katotohanan ang mga bintang at naaawa na lamang siya kay Villafuerte pero batid niya ang pinaghuhugutan ng kongresista.

Aniya, kabilang si Villafuerte sa mga kongresista na nakakatanggap ng malaking alokasyon sa pambansang pondo sa nakaraang liderato ng Kamara.


Sa katunayan, noong nakaraang house leadership ay binigyan ito ng alokasyon na P2.7 Billion at kasama sa halagang ito ang P1.2 Billion mula sa P75 Billion na isiningit sa ilalim ng 2019 budget ng DBM.

Maliban dito, nasa dalawang dosenang mga kongresista din ang binigyan ng malalaking pondo na aabot sa P3 Billion hanggang P8 Billion bawat distrito sa ilalim ng liderato ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez.

Hindi na aniya nila pinapayagan ang ganitong nakasanayan ng Mababang Kapulungan at tiniyak na constitutional, ligal at transparent ang 2019 budget.

Facebook Comments