Tuesday, March 17, 2026

Alegasyon ng ilang kongresista na iniipit umano ang pondo para sa public works projects, itinanggi ng DBM

Nagbigay ng paglilinaw ang Department of Budget and Management (DBM) kaugnay sa pahayag ng ilang kongresista na delay umano ang paglalabas pondo sa ilang public works projects.

Ayon sa DBM, hindi nila pinagpapaliban ang paglalabas ng pondo at hindi raw sila nag-iimbento o gumagawa ng mga bagong patakaran na wala sa batas.

Nagkaroon anila ng pag-amyenda sa ilang locally funded infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways na nagresulta sa pagbabago ng ilang proyekto na orihinal na nakasaad sa National Expenditure Program (NEP).

Kinakailangan din daw munang magsumite ng pormal na request sa DBM para mailabas ang pondo kasama ang mga kailangang dokumento at mga project prioritization bago i-release ang Special Allotment Release Order.

Binigyang diin pa ng Budget Department na hindi pwedeng maglabas ng pondo para sa proyektong hindi pa nire-request ng implementing agency.

Ginagawa raw nila ito para pangalagaan ang integridad ng pambansang pondo at tiyaking naipapatupad ayon sa batas ang mga programa ng pamahalaan.

Patuloy din daw makikipagtulungan ang DBM sa kongreso at implementing agencies para masiguro ang maayos, legal at napapanahong implementasyon ng mga proyektong pang-imprastrakstura.

Facebook Comments