
Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives of the Philippines ang House Bill No. 8469 na naglalayong amyendahan ang Section 5 ng Biofuels Act of 2006.
Kabuuang 209 kongresista ang bumoto pabor sa panukala, 5 ang tutol, at walang nag-abstain.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng kapangyarihan ang pangulo na pansamantalang suspendihin sa loob ng isang taon ang mandatory na paggamit ng locally sourced biofuels.
Layunin nitong maprotektahan ang mga consumer kapag ang blended fuel ay mas mahal na ng 5% kumpara sa purong gasolina o diesel.
Ayon kay Rep. Jose Alvarez, chairman ng House Committee on Energy, hindi nangangahulugan ang panukala ng pag-abandona sa commitment ng bansa sa indigenous renewable energy development.
Aniya, layunin din nitong tulungan ang mga tsuper, magsasaka, at mangingisda sa gitna ng krisis dulot ng kaguluhan sa Middle East.
Nauna nang sinertipikahang urgent ang panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mapabilis ang pagpasa nito sa Kongreso.










