Itinanggi ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang alegasyon ni Senator Panfilo Lacson na ginamit ng Philippine National Police (PNP) ang pondo nila sa National Task Force To End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa pagsasagawa ng survey sa mga iba’t ibang baranggay sa buong bansa.
Paglilinaw ni PNP chief, walang kautusan sa mga local chief of police na kunin ang pangalan, contact number at address ng 30 porsyento ng residente ng bawat barangay dahil hindi naman kailangan magsagawa ng census ang PNP.
Ang ginagawa aniya ng PNP ay pinagsisikapang pagandahin ang kanilang relasyon sa mga lokal na komunidad upang mapalakas ang kanilang anti-drug, anti-crime, at anti-insurgency efforts.
Buwelta pa nga ni Eleazar, walang pumapansin sa mga teroristang komunista na nagsasagawa ng kanilang sariling community mobilisasyon; pero kung ang PNP ang tumungo sa mga komunidad laban sa mga komunista, sila ang pinupuna.
Magkagayunpaman, nagpasalamat si Eleazar kay Sen. Lacson sa kaniyang pagbibigay ng pagkakataon sa PNP na ipahayag ang kanilang panig kaugnay sa mga maling balita na ikinakalat na ang apektado aniya ay ang tagumpay ng NTF-ELCAC.