*Cauayan City, Isabela- *Binigyang diin ni ginoong Edgar Pambid bilang pinuno ng Overseas Filipino Workers Bagong Bayani Incorporated dito sa lalawigan ng Isabela na paninira lamang ang alegasyong pangongotong ni DOLE Sec. Silvestre Bello III sa mga employment agencies at mayroon lamang umanong nais umagaw sa pwesto nito.
Aniya, hindi umano kapani-paniwala ang mga inirereklamo laban kay Sec. Bello dahil kilala umano nila kung paano magtrabaho si Bello at marami pa umano itong plina-planong programa para sa ikagaganda ng DOLE.
Mayroon na rin umano silang pinirmahang “manifesto of support” na ipapasa sa opisina ng Pangulo upang ipaabot ang mga nagawa at naitulong ni Sec. Bello sa mga OFW’s.
Ayon pa kay ginoong Pambid, balak na rin umanong magsampa ng kaso ang Ombudsman laban kay Sec. Bello subalit mas maganda na umano ito upang mabigyan siya ng pagkakataon na makapagpaliwanag sa taumbayan hinggil sa kanilang mga akusasyon na ibinato laban sa kanya.
Samantala, magkakaroon umano ng OFW forum ang lahat ng mga OFW’s dito sa ating lalawigan nitong ika-dalawamput walo ng Setyembre upang pag-usapan ang kanilang pension at maihayag na rin ang iba pa nilang panukala na mapakikinabangan ng mga OFW.