ALEGASYONG PAGPAPAALIS NG MGA TODA SA MGA AMBULANT VENDORS SA MANGALDAN, PINABULAANAN

Nilinaw ng mga Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Mangaldan na walang katotohanan ang alegasyong nagpapalayas umano sila ng mga ambulant vendor sa palengke.

Ito ang tinalakay sa inorganisang pagpupulong ng lokal na pamahalaan noong Lunes, Enero 12, kaugnay ng mga ulat laban sa operasyon ng mga TODA sa bayan.

Ayon sa mga miyembro, hindi umano sila nagpaalis ng mga manlalako sa palengke, kundi pinatabi lamang ang mga ito, partikular noong mga buwan ng Nobyembre at Disyembre kung kailan doble ang dagsa ng mga mamimili sa lugar.

Anumang nangyaring gusot sa pwesto ng mga manlalako sa mga nabanggit na petsa ay para umano sa kaayusan ng daloy ng mga sasakyan at hindi pagbawalan sila sa pagtitinda.

Isa pa sa nilinaw ng mga TODA, na hindi umano umaabot sa ₱15,000 ang kanilang buwanang kita, taliwas sa mga kumakalat na paratang.

Samantala, inihain na rin ng samahan ang mungkahing pag-endorso ng dagdag na taripa sa Sangguniang Bayan ng Mangaldan.

Ayon sa alkalde, maaari lamang itong ikonsidera kung hindi maaapektuhan ang mga senior citizen at mga estudyante sa anumang posibleng pagtaas ng pamasahe. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments