Alert level 0, huwag munang ipatupad sa bansa hanggang sa matapos ang eleksyon ngayong taon, ayon sa isang health expert

Inihayag ng isang health expert na mas makakabuti kung hindi muna ipapatupad ang COVID-19 Alert Level 0 sa bansa hanggang sa matapos ang eleksyon ngayong taon.

Ayon kay infectious diseases expert na si Dr. Rontgene Solante, na isa rin sa mga miyembro ng Vaccine Expert Panel (VEP), posible kasing muling tumaas ang maitatalang kaso ng COVID-19 dahil sa kaliwa’t kanang ganap sa pangangampanya ng mga pulitika.

Dagdag pa ni Solante, may banta rin ng bagong COVID-19 variant na “Deltacron” na pinagsama ng dalawang naunang variant na Delta at Omicron.


Pagdidiin ng eksperto, kailangang maging maingat ang pamahalaan sa pagdeklarang bumubuti na ang lagay ng bansa laban sa COVID-19 dahil hindi pa tiyak kung lubos na nakakahawa o highly infectious ang “Deltracron”.

Kaugnay nito, nanawagan si Solante sa gobyerno na palakasin pa ang pagbibigay ng COVID-19 vaccine booster shots partikular sa bulnerableng populasyon bilang dagdag na proteksyon kontra sa nasabing sakit.

Facebook Comments