Kinumpirma ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na posibleng bumaba sa Alert level 3 or Level 2 sa buwan ng Disyembre kung magtutuloy-tuloy ang disiplina ng publiko.
Ito ang naging pahayag ni Secretary Lopez kasabay ng ginawang inspeksyon ng kalihim kasama sina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos at Makati City Mayor Abegail Binay sa Rock Well Al Fresco Strip lungsod ng Makati kahapon.
Ayon kay Lopez, sa nakikita niya ngayon sa isinagawang inspeksyon sa mga establisyemento sa Rockwell sa Makati City, maayos at sumusunod sa health protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Alert Level 4 ang mga establisyemento at maging ang mall sa lugar.
Giit ng kalihim na kung magtutuloy-tuloy ang disiplina at maging ang pagbabakuna, maaring maibaba sa Alert Level 3 or 2 sa darating na Disyembre pero depende pa rin umano sa kalalabasan ng data o record ng IATF sa National Capital Region ang bilang ng tatamaan ng COVID-19.
Nagbabala naman si Lopez sa mga establisyemento na ang pinapayagan na magbukas sa Alert Level 4 ay dapat fully vaccinated ang kanilang mga empleyado.
Aniya, sakaling mahuli na hindi bakunado ang kanilang mga empleyado ay maaring maipasara ang establisyemento.