Alert level, maari nang alisin kapag tuluyang bumaba ang COVID positivity rate sa bansa

Sang-ayon si Senator Imee Marcos sa pahayag ng mga eksperto na mas mainam na alisin ang pinapatupad na alert level sa iba’t ibang lugar sa bansa kapag bumaba na sa 5 percent ang COVID-19 positivity rate sa Pilipinas.

Ayon kay Marcos, nang magsimulang kumalat ang Omicron variant sa bansa noong January ay pumalo sa 40 percent ang mga test na positibo ang resulta at nitong nakaraang linggo ay bumaba pa lang ito sa 19 percent.

Paalala nito, habang gumaganda ang positivity rates o bilis ng hawaan ng virus sa bansa ay malaking kalaban naman natin ang pagiging kampante.


Kaya mungkahi ni Marcos sa health officials, kontrolin ang pagkalat ng virus sa pamamagitan ng mahigpit na pagbabantay sa paglitaw ng bagong COVID variants.

Suhestyon din ni Marcos na pag-ibayuhin ang pagbabakuna lalo na sa high-risk groups tulad ng senior citizens na ang limang milyon ay hindi pa nakakatanggap ng 2nd dose ng COVID-19 vaccine at wala pa rin silang booster.

Sa harap aniya ito ng pagsisimula ng campaign period, pagpapalawak ng face-to-face classes at pagbubukas ng ating borders sa international at local tourism.

Facebook Comments