Alert level system, hindi na kailangan kung aalisin na ang state of calamity sa susunod na taon

Hindi na dapat ipatupad ang alert level system, kung tatanggalin ang state of calamity sa susunod na taon.

Plano ng Department of Health (DOH) na palitan ng mas simple ang alert level system kahit pa hanggang December 31, 2022 na lamang ang pagiging epektibo ng state of calamity, ito ay kung hindi palalawigin ni Pangulong Bongbong Marcos sa susunod na taon.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Guido David ng OCTA research group na kapag inalis na ang state of calamity, mangangahulugan ito na tinatrato na bilang endemic ang COVID-19.


Hindi naman masagot nang direkta ni Dr. David kung napapanahon na bang tanggalin ang state of calamity.

Aniya, dedepende ito sa antas ng mga kaso, maari kasing tumaas ulit at pwede ring bumaba.

Kaya kailangan aniya rito ng masusing pag-aaral ng mga kinauukulan kung kailangan na bang tanggalin ang state of calamity.

Sa kabila nito, sinabi ni David na sa nakalipas na ilang buwan, nakikita naman nilang napangangasiwaan nang maayos ang mga kaso.

Batay aniya itong mga nagdaang buwan, naka dalawang wave na ng COVID-19 ngunit nananatili naman aniyang mababa ang hospitalization rate.

Umaasa na lamang si David na mapatataas pa ang vaccination rate at ang booster shot para hindi na kailanganin pang dalhin sa ospital ang sinumang tatamaan ng COVID-19.

Facebook Comments