Manila, Philippines – Sa kabila ng idineklarang unilateral ceasefire ng Communist Party of the Philippines, mananatili pa ring nakaalerto ang Philippine National Police (PNP) sa kapaskuhan.
Sabi ni PNP Spokesperson Chief Supt. Benigno Durana Jr. – hindi sila tiwala sa idineklarang tigil-putukan ng komunistang grupo kaya magpapatuloy ang regular law enforcement at security operations ng PNP.
Aniya, bulok na ang mapanlinlang na ideolohiya ng CPP kaya hindi na ito dapat pagkatiwalaan kailanman.
Hindi umano papayagan ng PNP ang anumang gawaing terorismo, kasama na ang pagre-recruit at pandurukot ng grupo.
Magugunitang noong Biyernes, inanunsyo ng CPP ang kanilang dalawang bahaging unilateral ceasefire na epektibo sa hatinggabi ng December 24 hanggang hatinggabi ng December 26 at hatinggabi ng December 31 hanggang sa January 1.