Itinutulak ni Senator Mark Villar ang panukala na pagkakaroon ng “alert system” laban sa kidnapping at iba pang krimen laban sa mga bata tulad sa Estados Unidos.
Sa inihaing Senate Bill 2256 o ang Philippine Amber Alert Act, layunin na maresolba sa mabilis na paraan ang mga kaso ng kidnapping at iba pang krimen sa mga bata.
Sa Amber Alert System ay dito malalaman ng publiko ang “up-to-date information” kaugnay sa mga nawawala o nakikidnap na bata sa pamamagitan ng malawak na pagpapalabas sa telebisyon, radyo at wireless devices.
Ayon kay Villar, ang ganitong sistema ay unang nadevelop sa US na ang layon ay makuha ang kooperasyon ng komunidad sa paghahanap sa mga nawawalang bata at ang mga posibleng kidnappers nito.
Bubuuin ang Philippine Amber Alert System na pamamahalaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, broadcast media entities at social media platforms.
Ang sinumang masasangkot sa hindi tamang paggamit ng nasabing alerto o magbibigay ng maling impormasyon ay papatawan naman ng kulong na hindi bababa sa dalawang taon at hindi naman lalagpas sa anim na taon at multang P500,000 hanggang P1 milyon.