Cauayan City, Isabela- Idineklara na ngayong umaga, September 10, 2021 na hindi na maaaring daanan ang Alicaocao overflow bridge sa Cauayan City dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog.
Sa kasalukuyan, nasa 39.10 meters na ang elevation level ng Alicaocao river.
Mahigpit nang hindi pinapayagan ng Overflow bridge monitoring team ang anumang uri ng sasakyan na tatawid ng nasabing tulay.
Kaugnay nito, gumamit na lamang ng motorized bangka ang Overflow bridge monitoring team para sunduin at maitawid ng pampang ang mga na-stranded na galing sa East Tabacal at ilang bahagi ng Forest region.
Patuloy naman ang paalala ng monitoring team sa mga residente na dadaan sa nasabing tulay na kung hindi mahalaga ang lakad ay ipagpaliban muna ito upang hindi malagay sa panganib ang kanilang kaligtasan.