Manila, Philippines – Simula sa Sabado (December 9), ipatutupad na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Department Order No. 186, Series of 2017 o ang binagong patakaran sa pagbibigay ng employment permit sa mga Foreign Nationals.
Kung dati ay kailangan pang kumuha ng Alien Employment Permit (AEP) ng isang foreign national bago makapagtrabaho dito sa bansa, sa ilalim ng nasabing department order, Certificate of Exclusion na lamang mula sa DOLE Regional Office na sumasakop sa lugar na kanilang pagtatrabahuhan, ang kanilang kailangan.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, para makakuha ng Certificate of Exclusion kinakailangang lamang magsumite ng liham ang isang foreign national sa DOLE Regional Director, kalakip ang balidong business/Mayor’s permit ng kumpanyang naka-base sa Pilipinas, kopya ng passport na may balidong visa, at magbayad ng 500 piso.
Ang mga foreign nationals aniya na hindi na kailangang kumuha ng AEP ay ang:
1.) mga kasapi ng governing board na may karapatang bumoto at hindi nakakasagabal sa pangangasiwa ng korporasyon o sa pang-araw-araw na operasyon ng negosyo;
2.) Presidente at Treasurer, na bahagi ng pagmamay-ari ng kompanya;
3.) at ang mga nagbibigay ng consultancy service na walang employer sa Pilipinas.