Manila, Philippines – Iginiit ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na kahit kailan ay hindi sila naging magkaibigan ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
Sabi ni Inday Sara, wala naman talaga siyang problema kay Alvarez pero ito ang unang bumatikos sa kanya kaya kung tutuusin, ang House Speaker ang may problema.
Una nang sinabi ni Alvarez na maituturing na ngayon na miyembro ng oposisyon ang batang Duterte dahil sa pagtatayo nito ng political party na Hugpong ng Pagbabago (HNP).
Binubuo umano ng mga pulitikong nasa likod ng political dynasties ang nasabing partido ayon pa kay Alvarez.
Sinabi rin ng House Speaker na walang basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatayo ni Inday Sara ng bagong partido.
Sa kanyang panig, sinabi naman ng alkalde na mas maraming kalokohan si Alvarez na dapat ipaliwanag sa publiko.