Alkalde ng Baggao, Cagayan, Pagpapaliwanagin Hinggil sa Paglabag sa COVID-19 Health Protocols

Cauayan City, Isabela- Pagpapaliwanagin ngayon ni Cagayan Governor Manuel Mamba si Mayor Joan Dunuan ng bayan ng Baggao dahil sa paglabag nito sa inilatag na guidelines ng IATF kontra COVID-19.

Batay sa Memorandum Order 075 na ipinalabas ni Gov. Mamba, binibigyan ng 48 oras ang alkalde upang magpaliwanag sa kumakalat nitong video at larawan sa social media na kung saan makikita at mapapanood ang alkalde na dumalo sa isang event na sumasayaw habang walang suot na facemask.

Kinukwestiyon din sa alkalde kung bakit pinapayagan nito ang pagsasagawa ng mga social gathering sa kanilang bayan na hindi nasusunod ang social distancing at pagsusuot ng facemask at mismong ang naturang alkalde pa ang pasimuno.


Ang lalawigan ng Cagayan ay kasalukuyang sumasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.

Una nang pinaalalahanan ng Gobernador na dapat pangunahan ng mga opisyal at magsilbing ehemplo sa mamamayan sa pagpapatupad ng health and safety protocols.

Pumapangalawa ngayon ang bayan ng Baggao sa Lungsod ng Tuguegarao na may pinakamaraming aktibong kaso ng Covid-19 sa buong lalawigan ng Cagayan.

Facebook Comments