Nilagdaan na ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang kautusan na itaas sa 30% ang kapasidad sa loob ng simbahan at iba pang relihiyon.
Ilang minuto pa lamang ang nakalilipas nang sabihin ng alkalde na maglalabas siya ng Executive Order para madagdagan ang bilang ng mga maaaring makapasok sa loob ng simbahan o bahay sambahan.
Kasabay nito, pinatitiyak ni Mayor Isko sa mga pinuno ng mga relihiyon na masunod ang mga safety health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Kung maaalala, una nang nakipagpulong si Mayor Isko kay Apostolic Administrator of Manila na si Bishop Broderick Pabillo sa parish office ng Sto. Niño De Tondo upang plantsahin ang mga panuntunan sa darating na simbang gabi at nalalapit na pista ng Poong Itim na Nazareno.