Umaasa si Pasig City Mayor Vico Sotto na makukumpleto na sa isang buwan ang pamamahagi ng hazard pay sa mga empleyado ng City Hall sa lungsod.
Pinamamadali na ni Mayor Sotto ang pagsasaayos ng hazard pay sa mga empleyado ng City Hall.
Ito’y kasunod na rin ng mga reklamo ng ilang kawani na kulang o may mali sa komputasyon ng kanilang hazard pay.
Ayon kay Sotto, umaasa siya na sa loob ng 30 araw ay makukumpleto na ang pagproseso ng hazard pay sa mga empleyado ng City Hall.
Paliwanag ng Alkalde, nagkaroon aniya ng error sa system dahil sa libu-libong entry kada araw ang sinusuri at pinapasok ng kanilang Human Resource Department.
Dagdag pa ni Sotto, napagsabihan niya na ang mga nagkamali at umapela naman siya ng pang-unawa sa mga empleyado na mali ang komputasyon ng hazard pay kasabay ng pagtiyak na matatanggap ng mga healthcare worker sa lungsod ang kanilang mga hazard pay.