Alkalde ng Rizal, Kalinga, Nagpapasalamat sa P20M Pondo mula sa NTF-ELCAC

Cauayan City, Isabela- Labis ang pasasalamat ni Mayor Karl Bugao Baac ng Rizal, Kalinga dahil sa natanggap na P20 milyong pisong pondo mula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na laan para sa Babalag East na kauna-unahang barangay sa bansa na makikinabang sa proyekto ng pamahalaan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa alkalde, napakalaking biyaya aniya ito na natanggap ng brgy Babalag East na pakikinabangan ng tinatayang nasa 500 pamilya lalo at nasa P1 hanggang P2 milyong piso lamang aniya ang Internal Revenue Allotment (IRA) ng nasabing barangay.

Ang P20M na ibinabang pondo ay gagamitin sa tatlong proyekto gaya ng rehabilitasyon sa Barroga-Baggas farm to market road na may pondong P15milyon, pagtatayo ng Water System na may pondong P3 milyon at rehabilitasyon sa Health Center Building ng nasabing barangay na may pondong 2 milyong piso.


Isa lamang ang barangay Babalag East sa 822 na mga barangay sa bansa ang nakatanggap ng P20 Milyon na pondo matapos maideklara na malaya na mula sa kamay ng mga teroristang grupo.

Ayon pa sa alkalde, anumang araw ay sisimulan na ang implimentasyon sa naturang proyekto.

Paalala naman nito sa kanyang mga kababayan na huwag nang tangkilikin ang mga ginagawa ng CPP-NPA upang hindi na muling mangyari ang mga naunang nangyaring karahasan at kriminalidad sa barangay.

Facebook Comments