
Sinampahan ng disqualification case sa Commission on Elections (COMELEC) ang muling tumatakbong alkalde ng Santa Fe, Cebu na si Mayor Ithamar Espinosa.
Ang reklamo ay inihain ng isang botante at dating job order employee ng munisipyo na si Rey Dela Peña, Jr., na nagsabing inabuso umano ng alkalde ang kapangyarihan nito para gamiting sapilitan ang mga JO workers sa kanyang kampanya.
Sa reklamo nito, pinipilit ang mga job order workers na dumalo sa mga aktibidad ng pangangampanya ni Mayor Espinosa kabilang ang pamimigay ng pagkain, pagsusuot ng campaign shirt, at pagluluto para sa mga caravan, kahit oras ng trabaho.
Lumalabas din sa reklamo na ginagamit umano ang mga kagamitan at tauhan ng munisipyo gaya ng Motorpool at General Services Office para sa personal at political na interes ng alkalde.
Hiniling ng petitioner sa COMELEC na agad na idiskwalipika si Espinosa at huwag muna itong iproklama sakaling manalo habang isinasagawa ang imbestigasyon.









