ALL IS WELL | Banggaan ng mga lider sa Kamara, tinapos na

Manila, Philippines – Naresolba na ang girian sa pagitan ng mga lider ng Kamara kaugnay sa kontrobersyal na P55 billion na pondong naisingit sa alokasyon ng ilang piling distrito sa 2019 national budget.

Matapos ang pagbuo ng committee of the whole na siyang tatalakay sa budget sa plenaryo, tinipon ni House Speaker Gloria Arroyo ang mga lider ng Kamara para sa isang hapunan.

Dinaluhan ito ng mga nag-uumpugang House Leaders na sina Majority Leader Rolando Andaya Jr., at Appropriations Committee Chairman Karlo Nograles.


Ayon kay Quezon City Representative Winston Castelo na dumalo din sa dinner, nagkausap at nagkasundo na sina Andaya at Nograles.

Nagkamayan pa ang dalawa at “all is well” na sa huli.

Ilan pa sa mga dumalo sa dinner ay si Marinduque Representative Lord Allan Velasco na umugong na ipapalit umano kay SGMA at si Marikina Representative Miro Quimbo na mula sa independent minority.

Samantala, sinimulan na ngayong umaga ang budget deliberation kung saan si Appropriations Committee Vice Chairman Maria Carmen Zamora ang nag-sponsor ng 2019 budget sa plenaryo sa halip na si Nograles.

Inumpisahan naman na ang debate sa budget nila Albay Representative Joey Salceda at Minority Leader Danilo Suarez.

Facebook Comments