Pinagagamit ni Senator Chiz Escudero ang intelligence funds para maisakatuparan ang all-out war laban sa mga gun-for-hire syndicate.
Iginiit ni Escudero na tanging ang pagtukoy at pagbuwag sa mga grupo ng hired killers ang makapipigil sa serye ng mga pamamaslang na nangyayari ngayon sa bansa.
Aniya, kahit mahuli pa ang pumatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, hindi naman garantiya na wala nang kasunod lalo kung may mga kriminal na ginawang hanapbuhay na ang pagpatay.
Iminungkahi ni Escudero na ipamahagi sa maraming ahensya ang P5.22 billion na intelligence funds at gamitin ito sa paglikha ng “actionable database” ng mga killer.
Nababahala ang senador na magiging “revolving door phenomenon” o paulit-ulit ang pagpatay kapag hindi na-neutralize o napigilan ang mga sangkot dito.
Ipinunto pa ng mambabatas, gobernador, negosyante o manggagawa man ang pinaslang, dapat ay pantay ang sigasig na ipinapakita ng kapulisan sa pagbigay hustisya.