*Cauayan City, Isabela-* Kasalukuyan nang isinasagawa ngayong umaga sa bayan ng Roxas, Isabela ang pamamahagi ng allowance sa mga College students na kabilang sa Bojie Rodito Opportunities-Education o BRO-Ed program ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela.
Personal na iniabot nina Governor Rodito Albano III kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela at opisyal ng bayan ng Roxas ang allowances ng mga libo-libong scholar ng kolehiyo sa Barangay Vira Community Center ng naturang bayan.
Layunin ng nasabing programa na makapag-aral ang lahat ng kabataan upang maibsan ang kahirapan at pasanin ng mga magulang sa pagpapa-aral sa kanilang mga anak lalo sa mga hirap sa buhay na walang kakayahang magpa-aral.
Paalala ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa mga BRO-Ed scholars na kukuha ng allowance na dalhin lamang ang mga sumusunod gaya ng BRO-Ed scholarship certificate, BRO-Ed scholarship ID, School ID, Certificate of enrollment from the registrar (2nd semester).
Ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ay nakatakdang puntahan ang bawat bayan sa Lalawigan para personal na iabot ang cash allowance ng mga scholar sa ilalim ng BRO-Ed program.