Isang grupong laki sa hirap ang sa kahirapan din humugot ng inspirasyon para makatulong sa mga kababayan nating doble ang dagok na nararanasan ngayon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Prayoridad na matulungan ng grupong “Yagit” mula sa Valenzuela City ang mga matatanda, mga walang tirahan, gayundin ang mga frontliners tulad ng mga street sweeper, garbage collectors at security guards.
Pero sa halip na bigas at de lata, libreng almusal ang kanilang ipinamimigay.
Laman ng kanilang “Almusal Pack” ay mga tinapay, gatas, kape, asukal at iba’t ibang klase ng palaman.
Ayon sa lider ng grupo na si Emil Manguerra, dahil galing sa hirap, alam nila ang pakiramdam ng hindi nakakapag-almusal.
Kaya mula sa usapang online, nabuo ang “Almusal Pack Project”.
Kasama ni Emil sa pagsasakatuparan ng proyektong ito ang mga kaibigan niyang sina Lorenz Belarmino, Ruth Bigata, Karen Malasa, Cristina Moscoso, Nykuh Pasquito, Richard Villanueva at Mary Joy Villanueva.
“Nakaranas din talaga kami na hindi nakakapag-almusal, hindi nakukumpleto ‘yong three meals sa isang araw. So, naisip po namin na ngayong pandemic, doble yung hirap ng mga taong hindi nakakamapag-almusal lalo’t wala silang mahanap na paraan para makapag-almusal. Bukod po sa ‘Almusal Pack’, namimigay din po kami ng mga face masks sa mga frontliners lalo na po yung mga donations po,” ani Emil.
Sa gitna ng krisis na kinakaharap ngayon ng bansa bunsod ng COVID-19, napakahalaga ng bayanihan at pagtutulungan.
Para sa nais magbahagi ng kanilang tulong, maaaring magpadala ng inyong donasyon sa mga sumusunod na accounts:
Landbank: Emil John T. Manguerra, 1517 1408 87
BPI: Emil John T. Manguerra, 2569 2999 45