Alok na “nurse-for-vaccine trade” ng DOLE sa UK at Germany, binatikos ni Robredo

Binatikos ni Vice President Leni Robredo ang umano’y alok na “nurse-for-vaccine trade” ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa United Kingdom at Germany.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na nakakalungkot na tila ginagawang ‘commodity’ ang mga healthcare workers kapalit ng bakuna.

Kung tutuusin, dapat pa nga aniyang pagandahin ang pagtrato sa mga Filipino healthcare workers para hindi na sila nangingibang-bansa.


Bukod sa pagtiyak sa kanilang proteksyon, dapat ding ayusin ang kanilang kompensasyon at pangangailangan.

“Ganon na ba tayo ka-desperate? Alam ko desperate tayo for the vaccines pero wag naman at the expense ng ating mga [health] workers, di ba? Kasi dapat nga ang pinaka-target natin, gawin natin na yung environment natin dito maganda for our health workers na hindi na nila kailangan umalis pa,” giit ni Robredo.

“Parang ‘yung lip service natin, “mga bayani”, nagpapasalamat tayo pero ang pagpapasalamat hindi yun sa salita lang e, dapat nararamdaman nila,” dagdag pa niya.

Samantala, humingi na ng paumanhin si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga nasaktan sa alok nitong pagpapadala ng mas maraming nurse sa UK at Germany kapalit ng mga bakuna.

Nilinaw din ng ahensya na ang alok ng kalihim ay para lamang masigurong mababakunahan ang mga nurse na ipapadala sa dalawang bansa.

Facebook Comments