Alok ng Russia na Bilateral Trade Agreement tinabla ng DOE

Hindi sana kabigatan ang dagok ng Global Oil Crisis kung inayunan lamang ng Department of Energy (DOE) ang alok na bilateral trade agreement ng Russia 5 taon na ang nakakalipas.

Sa isang panayam hayagang isiniwalat ni Energy Undersecretary Benito Ranque ang matabang na pagtanggap ng DOE sa alok ng Russian counterpart Energy Department na magbibigay daan para makapagtabi ang Pilipinas ng “buffer stock” na pwedeng gamitin sakaling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigan merkado.

Paliwanag pa ni Ranque, tinanggihan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang inihaing kasunduang binalangkas ng Philippine National Oil Company o PNOC at ng gobyerno ng Russia matapos ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong taong 2017.


Nang tanungin kung ano ang naging dahilan ng Kalihim sa pananabla sa Bilateral Trade Agreement, ang tugon ng kalihim ay dahil lamang umano sa hindi muna siya kinonsulta ng PNOC bago nakipag-usap sa mga Russian counterparts.

Binigyang diin pa ni Ranque na bagamat kumbinsido naman aniya siyang walang bansang hindi apektado ng digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia, naniniwala naman umano siyang hindi sana kabigatan ang dagok sa Pilipinas kung napaghandaan ng DOE ang nakaambang krisis sa enerhiya.

Para kay Ranque, hindi makatarungang hayaang magdusa ang mga mamamayan dahil sa kapalpakan ng ilang tao sa pamahalaan, kasabay ng panawagan sa susunodd na administrasyon na pag-aralan ang kanyang “immediate, medium at long-term solutions.”

Sa kanya pagtataya, posibleng mapababa ng husto ang singil sa kuryente – ₱2.50 mula sa umiiral na ₱11 per kilowatt hour. “Nasa isinumite kong dokumento sa tanggapan ni President-elect Marcos Jr. ang formula para matugunan ang problemang kinakaharap ng sambayanan.”

Base sa ulat ng Economic Times, napunta sa bansang India ang alok ng Russia sa Pilipinas pagkatapos ng pagbisita ni Duterte sa Moscow noong taong 2017.

Facebook Comments