Alokasyon ng Maritime Industry sa 2023, pinadagdagan ng Senado

Pinadadagdagan ng Senado ang alokasyon ng Maritime Industry Authority (MIA) sa ilalim ng 2023 budget.

Sa plenary deliberation para sa pondo ng Department of Transportation (DOTr), mula sa mahigit P20 million na panukalang pondo rito sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP), pinadagdagan ni Senator Grace Poe ng P56.7 million o itataas sa P80.693 million ang budget para sa monitoring at implementasyon ng maritime laws at regulations.

Bahagi aniya ito ng pagsisikap ng bansa na makasunod sa international maritime standards.


Sa kasalukuyan, hindi pa tuluyang dinidiskwalipika ng European Union ang mga Filipino seafarer sa kanilang shipping lines at hindi pa inaalis ang accreditation ng bansa.

Sinabi ni Poe na binibigyan ng pagkakataon ng EU ang bansa na matugunan ang mga pagkukulang pagdating sa edukasyon, pagsasanay at certification ng ating mga marino.

Bagama’t accredited pa rin sa EU, kailangan pagsumikapan na makasunod sa international standards ang ating mga seafarer dahil kung hindi ay tiyak na maaapektuhan ang employment ng nasa halos 50,000 Filipino marine officers gayundin ang employment ng halos anim na raang libong Pinoy seafarers.

Facebook Comments