Alternatibong trabaho sa mga maaapektuhan ng total ban sa paputok, ipinalalatag

Manila, Philippines – Hiniling ni Health Secretary Francisco Duque III sa gobyerno ang paglalatag ng alternative livelihood programs para sa mga indibidwal na maaapektuhan sakaling tuluyang ipatupad ang total ban sa paputok.

Aminado si Duque na hindi madali ang pagpapatupad ng total ban sa firecrackers dahil kailangang isipin din ang mga mawawalan ng hanapbuhay kapag tinanggal ang industriya ng pagawaan ng mga paputok.

Giit ng kalihim, hindi aniya dapat maging pabaya ang pamahalaan sa aspeto ng mga mawawalan ng hanapbuhay dahil sa tuluyang pagbabawal ng paputok.


Payo ni Duque, ang alternative livelihood programs muna ang dapat na ipagkaloob ng gobyerno bago ang total ban sa paputok.

Kailangan aniyang pag-usapan at pag-aralan muna ng mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Finance (DOF) ang mga implikasyong nakapaloob sa total ban sa firecrackers.

Sinabi pa ni Duque na bagaman at ikinatuwa ng ahensya ang pagbaba sa 68% ng firecracker related injuries ngayong taon, nakakalungkot pa rin na mayroong mga naputukan at sugatan sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Umaasa ang kalihim na sa mga susunod na pagdiriwang ng bagong taon ay zero na ang maitatalang casualty o firecracker related injuries.

Facebook Comments