Inaasahan ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na mas lolobo pa ang unemployment rate dulot ng mga quarantine lockdown.
Ayon kay ALU-TUCP spokesperson Allan Tanjusay, ang pinakahuling tala sa unemployment rate ay maituturing na pinakamataas sa nakalipas na mga taon.
Bago aniya ang March 15 lockdown, mayroon nang 3 million unemployed at 8 million underemployed.
Binigyan-diin ni Tanjusay na dahil sa mga bagong polisiya ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE), madaragdagan pa ang bilang ng mga mawawalan ng hanapbuhay.
Sa ilalim aniya ng DOLE Advisory No. 17, pinapayagan ang flexible work scheme at voluntary reduction ng mga sahod at benefits ng mga empleyado sa panahon ng quarantine period.
Habang sa Department Order 213, sinususpinde ang mga labor litigations, due process mechanisms o mga mekanismo laban sa abuso sa hanay ng paggawa.
Apela ng grupo, magkaroon muna ng konsultasyon ang labor sector at business groups para makabuo ng balanseng polisiya na siyang magpapaandar sa ekonomiya.