Manila, Philippines – Mariing itinanggi ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang alegasyon ng Chief of Staff ni BOC Commissioner Nicanor Faeldon na si Atty. Mandy Anderson na may ipinakisuyo siya sa Bureau of Customs tungkol sa hiling na promotion ni Speaker sa isang taga BOC na hindi napagbigyan dahil hindi qualified sa promotion.
Ito ang itinuturong dahilan ni Anderson kaya siya pinagiinitan ng mga kongresista kaugnay sa kanyang Facebook post kung saan tinawag niyang “imbecile” o inutil si Alvarez.
Ayon kay Alvarez, malayo sa katotohanan ang alegasyon ni Anderson.
Pero tumanggi na si Speaker na magkomento pa dahil malalayo na ang isyu sa tunay na imbestigasyon ng Kamara.
Ayaw ng Speaker na ma-divert ang usapin sa kanya dahil ang focus muna ng Kamara ay tungkol sa kwestyunableng pagpapalusot ng BOC sa 6 na bilyong pisong halaga ng droga.
Batay sa mga impormasyon, isang Sandy Sacluti ang ipinapadrino ni Speaker na nakasaad sa liham nito kay Faeldon noong May 15.
Kamakailan, sa pagsisiyasat ng House Committee on Ways and Means ay nagbanta ang ilang kongresista na i-ze-zero budget ang BOC sa 2018 dahil sa isyu ng iligal na droga at sa hindi katanggap-tanggap na pagtawag ni Anderson kay Alvarez na “imbecile”.