Alyansang Covenant for the Nation, nanawagan kina PBBM at dating PRRD na pangunahan ang ilulunsad na Inter-Faith rally para sa kapayapaan ng bansa

Nanawagan ang ilang sektor ng relihiyon sa bansa kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Bongbong Marcos na pangunahan ang ilulunsad na Prayer o Inter Faith rally para sa kapayapaan at pagkakaisa ng bansa.

Ito’y sa gitna ng bangayan nina Pangulong Marcos Jr. at dating Pangulong Duterte dahil sa pagsulong ni PBBM ng Charter change na tinututulan naman ni Duterte.

Ayon sa alyansang Covenant for the Nation, ito ay upang magkaayos na ang mga lider ng bansa at magpanatili ang pagkakaisa.


Tila nagiging personal na raw kasi at nagiging awayang na ng pamilya ang nangyayari na makakaapekto sa sitwasyon ng bansa.

Hindi na anila kakayanin pa ng Pilipinas na makaahon kung hahantong muli sa sitwasyon tulad noong nangyari sa EDSA.

Samantala, posible naman daw na dumalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Inter-Faith rally kasunod ng pahayag ni Senator Bong Go na positibo ang tugon ni dating Pangulong Duterte sa panawagan na pangunahan nila ni Pangulong Marcos ang Inter Faith rally.

Sinabi naman ni dating PACC Chairman Greco Belgica na hinihintay nila ay tugon ni Pangulong Marcos kaugnay sa prayer rally.

Target aniya nila na maisagawa ang Inter-Faith rally bago ang Holy Week.

Facebook Comments