Alyas Bikoy, ikinumpara ni Sen. Lacson kay Ador Mawanay

Manila, Philippines – Ang testigong si Ador Mawanay ang nakikita ni Senator Panfilo Ping Lacson kay alyas Bikoy na nagdadawit sa pamilya Duterte sa operasyon ng ilegal na droga.

Si Ador Mawanay ay whistleblower na lumutang noon at nag-akusa kay Lacson na tumatanggap ng kita mula sa iba’t ibang criminal activities, pero bandang huli ay binawi nito ang mga alegasyon at humingi ng tawad sa senador.

Sabi ni Lacson, si Bikoy ay pareho ng istilo ni Mawanay na nakadilim ang mukha, nagsasalita at nag-aakusa.


Diin ni Lacson, kahit na sino ay pwedeng pumunta sa dilim at mag-akusa ng kung anu-ano.

Bunsod nito ay tama para kay Lacson ang ginagawa ng Department of Justice (DOJ) na pag-alam kung sino si Bikoy para matukoy kung ano ang motibo nito.

Ipinaliwanag ni Lacson, na labag sa batas kung lalabas na ang motibo ni Bikoy ay pabagsakin ang gobyerno.

Iginiit din ni Lacson, na dapat ay lumutang muna si Bikoy at magpakita ng mga ebidensya para magkaroon ng batayan ang pinamumunuan niyang Committee on Public Order and Dangerous Drugs na mag-imbestiga.

Facebook Comments